Huwebes, Oktubre 3, 2013

Ang Katotohanan Tungkol sa John 3:16

Madalas nating marinig sa mga tagapagturo ng sektang Protestante at mga nagpapakilalang Born Again Christian ang paniniwala tungkol sa napakadaling paraan daw ng kaligtasan. Sinasabi nila na basta tanggapin mo lamang daw si Cristo bilang sariling tagapagligtas o personal savior ay ligtas ka na at wala ka nang gagawin pa. Para patunayan diumano ang kanilang sinasabi ay gumagamit din sila ng Biblia. Ang pinaka paborito nilang talata ay ang nakasulat sa John 3:16.

„Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan“

Sa nasabing talata ay mayroon silang dalawang ipinupuntos, una lahat daw ng tao sa mundo ay nailigtas ni Cristo. Pangalawa, sumampatalaya ka lamang daw kay Cristo ay ligtas ka na, wala ka ng gagawin pa. At para suportahan ang kanilang sinasabi ay gagamitin din nila ang nakasulat sa Galacia 2:16, Efeso 2:9 at Tito 3:5

Sa unang tingin ay iisipin mo nga naman na may punto sila at ang sinasabi nila ay totoo. Komo sila ay gumagamit din ng biblia, ang akala ng marami ay totoo na ang kanilang aral kaya ang resulta ay marami ang napaniwala. Kaya kapag pinupuna natin ang kanilang aral, ay sumasama ang loob nila na para bagang ang pinupuna natin ay ang mismong pagkatao ng kanilang mga tagapagturo.

Sa pagkakataong ito ay tatalakayin natin kung totoo ba ang kanilang sinasabi at ang malaganap na paniniwala bang ito ay nakasalig ba talaga sa biblia?

Balikan natin ang nakasulat sa Juan 3:16 na ganito ang sinasabi:

„Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan“

Kahit basahin pa natin ng paulit ulit ang nasabing talata ay wala tayong mababasa na nailigtas ni Cristo ang lahat ng tao sa sanglibutan kagaya ng kanilang sinasabi. Komo kasi binabanggit ang salitang sanglibutan, ang akala nila ay ang buong sanglibutan na ang nailigtas ni Cristo.

Kung tatanggapin natin na tama ang kanilang paniniwala, lilitaw na wala na palang mapapahamak. Ang problema ay may mga talata itong kokontrahin Kaya hindi maaaring tanggapin ang gayong paniniwala. Bakit?
Gaano ba kadami ang maliligtas ayon sa Panginoon?

Ganito ang mababasa sa Lukas 13:23-24

“May isang nagtanong sa kanya: “Ginoo kakaunti po ba ang maliligtas?” Sinabi niya, “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.”

Samakatuwid ay kakaunti lamang ang maliligtas ayon sa Panginoon.

Gaano naman kadami ang mapapahamak?

Kapag binasa natin ang Apocalipsis 20:8-9 ay kasing dami ng buhangin sa dagat ang mga taong susunugin sa dagat dagatang apoy.

Samakatuwid hindi talaga pwedeng tanggapin ang kanilang paniniwala na lahat ng tao ay nailigtas ni Cristo.

Eh sino ba kung gayon ang tinutukoy sa John 3:16 na hindi mapapahamak at magkakaroon ng buhay na walang hanggan?

Sagot: ayon sa talata ay ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya. Samakatuwid, hindi ang buong sanglibutan.

Pero siguradong ang susunod nilang sasabihin ay ganito:

„Kita niyo? Tama nga kami. Sumampalataya ka lamang kay Cristo ligtas ka na…”

Kahit bali baligtarin natin ang talata ay wala tayong mababasa na sumampalataya „lamang“ kay Cristo ay ligtas na. Ang problema kasi ay dinadagdagan nila ng salitang „lang or lamang“ kaya nagiiba tuloy ng kahulugan ang talata. Sila kasi ang pilit na nagbibigay ng kahulugan sa nasabing talata. Bakit hindi mismo ang biblia ang pasagutin natin?

Sino ba ang mga TUNAY na sumasampalataya kay Cristo?

Sa Juan 8:31 ay ganito ang mababasa:

“Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko;”

Ito ay pangungusap mismo ng Panginoong Jesus. Kung tatanggapin natin na tama ang sinasabi nila na sumampalataya lamang kay Cristo ay ligtas na, Ito sana ang napakagandang pagkakataon na sabihin ni Cristo sa mga Judio na ligtas na sila dahil sumasampalataya sila pero sa halip, ano ang sinabi ni Cristo?

“…Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko;”

Malinaw na ang mga tunay na alagad ni Cristo ay yaong mga nagsisipanatili sa kanyang salita, hindi yung mga sumasampalataya lamang.

Baka itanong nila sa atin kung ano ba ang ibig sabihin ni Cristo na magsipanatili sa kanyang salita? Ito ba yung mga taong sasabihin lamang na tinatanggap niya si Cristo bilang personal savior? Kung babasahin natin sa ibang salin ng biblia ay ganito ang banggit:

“Kung patuloy kayong susunod sa aking aral…”(Juan 8:31Magandang Balita)

Samakatuwid, ang mga tunay na alagad ni Cristo ay may gagawin, susunod sa kaniyang aral sapagkat iyon ang magiging katibayan na tunay nga silang alagad ni Cristo at hindi sasampalataya lamang gaya ng kanilang itinuturo.

Kahit pa basahin natin ng buo ang biblia ay wala tayong mababasa na utos ni Cristo at ng mga Apostol na “sumampalataya lamang” ang tao para maligtas. Hindi sila makakapagbigay ng  kahit isang talata dahil kabaligtaran ito sa nakasulat sa biblia.

Ano ang katunayan?

Ganito ang mababasa sa Santiago 2:24

“Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa'y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.”

Sa ating binasa ay maliwanag na kinontra ng biblia ang kanilang paniniwalang sumampalataya lamang ay ligtas na dahil ang sabi sa talata ay inaaring ganap ang tao sa pamamagitan ng gawa at hindi sa “pananampalataya lamang”. Ang gawa kasi ang nagpapasakdal sa pananampalataya kaya hindi pwedeng wala ito. Narito ang katunayan:

Santiago 2:22

“Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya;”


Kaya kung sasabihin nila na hindi na kailangan ang gawa, aba eh paano magiging sakdal ang pananampalataya kung walang gawa?
Ano pa ang kailangan ng taong sumasampalataya? Tatanggapin mo lang ba si Cristo sa iyong puso gaya ng sinasabi nila?

Ganito naman ang nakasulat sa Filipos 1:29

“Sapagka't sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya, kundi upang magtiis din naman alangalang sa kaniya:”

Bukod sa susunod sa aral ang mga tunay na mga alagad ni Cristo ay kinakailangan din naman silang magtiis. Hindi kasi pwedeng pananampalataya lang ang taglay ng tao dahil wala na siyang pinagkaiba kay satanas kung pananampalataya lang ang nasa kaniya. Ano ang katunayan?

Sa Santiago 2:19 ay ganito ang mababasa:

“Sumasampalataya ka sa iisang Dios, hindi ba? Mabuti iyan! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin – at nangangatal pa.”(MB)

Kung pananampalataya lang pala ang basehan sa kaligtasan, aba eh mas may karapatan pa pala sa kaligtasan ang mga demonyo kesa sa mga nagtuturo na hindi na kailangan ang gawa dahil mas matindi pa ang pananampalataya ng mga demonyo kesa sa kanila. Pero alam nating hindi maliligtas ang mga demonyo dahil hindi naman nila ginagawa ang aral ni Cristo kaya ang mga nagsasabing hindi na kailangan ng gawa ay wala din pinagkaiba sa pananampalataya ng mga demonyo. Kaya napaka maling sabihin na wala ng gagawin ang tao para maligtas.

Ano ang tawag ni Apostol Santiago sa mga taong nagsasabing sumampalataya lang at wala ng gagawin? Basahin natin sa Santiago 2:20

“Datapuwa’t ibig mo bagang maalaman, Oh taong walang kabuluhan, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog?

Masakit man ito pero biblia mismo ang may sabi na ang tawag ni Apostol Santiago sa mga nagsasabi na hindi kailangan ang gawa ay taong walang kabuluhan. Sa ibang salin pa nga ng biblia ay HANGAL ang banggit.

Ano ba ang ibig sabihin ng taong walang kabuluhan sa biblia?

Sa Kawikaan 6:12 ay ganito ang mababasa:

Taong walang kabuluhan, taong masama, ay siya na lumalakad na may masamang bibig.”

Samakatuwid ay may masamang bibig pala ang sinumang nagtuturo na hindi na kailangan ang gawa para maligtas.

Kaya nga may sumbat si Cristo sa mga taong tumatawag sa kaniya ng Panginoon pero hindi naman ginagawa ang sinasabi niya. Mababasa natin iyan sa Lukas 6:46

“Tinatawag ninyo akong ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi naman ninyo ginagawa ang sinasabi ko.” (MB)

Ibig sabihin, napaka importante ng pagsunod sa turo ni Cristo, kailangang ginagawa ito dahil ito ang magpapatunay na sila ang mga tunay na alagad Niya.

Hindi kasi maliligtas ang mga taong hindi gaganap sa turo niyang galing sa Dios. Ang katunayan nito ay ang nakasulat sa Mateo 7:21

Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit.”

Ang mga taong maliligtas na makakapasok sa kaharian ng langit ay yaon “lamang” mga taong gumaganap ng kalooban ng Amang nasa langit. Sila ang mga tunay na sumasampalataya at mga tunay na mga alagad ni Cristo. Sila din ang mga itinuturing na mga anak ng Diyos. Narito ang katunayan

I Juan 3:10
Dito nahahayag ang mga anak ng Dios, at ang mga anak ng diablo: ang sinomang  hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Dios, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid.”

Mga anak ng Dios ang gumagawa ng katuwiran o salita ng Dios kaya kapag ang tinuturo ay hindi na kailangan ang gawa, alam niyo na kung kaninong anak sila ayon sa biblia.

Ano ba ang kapalaran ng mga gumagawa ng kalooban ng Dios?
Kapag binasa natin ang Apocalipsis 14:13 ay ganito ang mababasa:

“…Mapapalad ang mga patay na nangamatay sa Panginoon mula ngayon: oo, sinasabi ng Espiritu, upang sila’y mangagpahinga sa kanilang mga gawa; sapagka’t ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.”

Kaya huwag na tayong magbaka sakali sa maling aral na hindi na kailangan ng gawa. Tiniyak ng biblia na ang mga gumagawa ng aral ni Cristo at ng Ama ang makakapasok sa langit. Ang mga kumikilala sa Dios ay hindi dapat nagbabakasakali lalo na at kaluluwa niya ang nakasalalay. Dapat niyang masiguro ang kanyang kaligtasan gaya ng sinasabi ni Apostol Pablo sa I Corinto 9:26

“Kaya ako’y tumatakbo tungo sa isang tiyak na hangganan; hindi ako sumusuntok sa hangin.”

Kaya ang aral na “sumampalataya lamang” ay ligtas na ay aral na suntok sa hangin. Ibig sabihin hindi ikapagtatamo ng kaligtasan dahil napatunayan nating labag ito sa itinuturo ng biblia.

Napatunayan natin na nagkamali ng pakahulugan ang mga gumagamit ng John 3:16 sa kanilang pagtuturo.

Pero imbes na ipagdamdam ninyo ang aming paglalahad na ito ay inyong ituring na isang pagmamalasakit sa inyo. Kami po ay nagsasabi ng katotohanang ito batay sa mga salita na nakasulat sa Biblia na sana po’y siyang ating tanggapin, paniwalaan, at higit po sa lahat ay ating sundin.

Sa susunod ay tatalakayin natin kung tama ba ang kanilang pagkaunawa sa  Galacia 2:16, Efeso 2:9 at Tito 3:5

Hanggang sa susunod…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento