Huwebes, Oktubre 3, 2013

BAKIT IGLESIA NI CRISTO KAMI? Part1



BAKIT IGLESIA NI CRISTO KAMI? Part1

MARAMI ANG NAGTATANONG SA AMING MGA KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO KUNG BAKIT KAMI UMANIB dito. MARAMI KASI SA AMIN ANG NANGGALING SA IBA’T IBANG PANGKATIN NG PANANAMPALATAYA LALO NA SA RELIHIYONG KINAGISNAN NG MARAMI - ANG RELIHIYONG KATOLIKO.

Ano ba ang dahilan kung bakit marami na ang nagpasyang umanib sa Iglesia Ni Cristo sa kabila na ang Iglesiang ito ay nagsimula lang sa Pilipinas noong July 27, 1914 at pinasimulan lamang ng isang pilipinong hindi kilala noon sa lipunan?

Bakit sumasampalataya kami na ang Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas ANG TOTOONG RELIHIYONG ILILIGTAS NI CRISTO SA KANYANG IKALAWANG PAGBABALIK?


Kung ating pag aaralan ang kasaysayan ay hindi tayo magtataka kung bakit ang Iglesia Katolika ang nakagisnan ng marami samantalang hindi naman ito ang iglesiang itinatag ng ating Panginoong Jesus. Sinasabi kasi ng Iglesia Katolika na kung uugatin daw ang kasaysayan ay sila daw ang tunay na kay Cristo dahil sila daw diumano ang itinayo ng Panginoong Jesus. Ang isa sa basehan nila ang sinulat sa isang encyclopedia;

Na ganito ang mababasa

“…inuugat ng Iglesia Katolika Romana ang kanyang kasaysayan mula kay Jesu Cristo at mga Apostol.“ (isinalin sa Pilipino)

Ngunit ano ba talaga ang tunay na nasa likod ng kasaysayan sa paglitaw ng iglesia katolika at bakit lumitaw ang Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas?

Simulan natin ang ating pagtalakay

Alamin muna natin kung totoo bang nagtayo ang Panginoong Jesus ng Iglesia noong unang siglo?

Basahin natin ang nakasulat sa Mateo 16:18

“At sinasabi ko naman sayo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito AY ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.”

Mayroon nga bang iglesiang itinayo ang Panginoong Jesus? Meron po.
Malinaw sa talatang binasa natin na mayroon nga talagang iglesia na itinayo ang Panginoong Jesus noong unang siglo at malinaw din na siya ang nagtatag nito.

Kung napansin ninyo, sinabi ng Panginoong Jesus mismo na “aking iglesia” kaya ano ang pangalan ng iglesiang itinayo ni Cristo noong unang siglo?

Sa Roma 16:16 ay ganito ang ating mababasa.

“Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo.”



Ang pangalan ng Iglesiang itinayo ng Panginoon ay ang Iglesia Ni Cristo dahil siya ang nagtatag nito kaya natural lamang na ito ay tawagin sunod sa kanyang pangalan.


Ano ang dahilan bakit itinatag ni Cristo ang Iglesia?
Ganito ang ating mababasa sa Efeso 1:9-10 at 22 - 23

9 Na ipanakilala niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa kanyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin. 10 Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon upang tipunin ang lahat kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa;


Saan tinipon ang lahat kay Cristo?


22 At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia, 23 Na siyang katawan niya, na kapuspusan ng niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat “
Ang dahilan ng pagtatayo ng Iglesia ay upang tipunin ang lahat kay Cristo ayon sa hiwaga ng kalooban ng Diyos.

Ngunit ano ba ang kaugnayan ng Iglesia sa pagliligtas na gagawin ng Panginoong Jesus?

Ganito ang nakasulat sa Efeso 5:23

“Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kanyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.


Napakalinaw sa talata ng biblia ng kahalagahan ng iglesia sapagkat ayon sa ating binasa, si Cristo ang pangulo ng Iglesia at siya ang tagapagligtas nito. Ito ang dahilan kaya itinayo ng Panginoon ang kanyang iglesia dahil ito ang kanyang ililigtas.


Umiral nga ba ang Iglesia ni Cristo sa panahong nasa lupa pa si Cristo?

Sa Mateo 18:17 ay ganito ang mababasa:

“At kung ayaw niyang pakinggan sila ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.”


Ang nagsasalita sa talatang binasa natin ay ang Panginoong Jesus mismo. Itinagubilin niya noon sa mga unang alagad niya na kung mayroong hindi pagkakasundo ang bawat isa sa kanila ay dalhin sa iglesia. Samakatuwid, talagang umiral ang iglesia noong unang siglo dahil hindi ipag uutos ng Panginoon na dalhin sa iglesia ang mga kaanib na hindi magkasundo kung walang iglesiang umiiral noon.

Subalit ano ang kalagayan ng Iglesiang umiiral noong nasa lupa pa ang Panginoon Jesus?

Basahin natin ang nakasulat sa Lukas 12:32

“Huwag kayong mangatakot, MUNTING KAWAN; sapagka’t nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo’y ibigay ang kaharian.”

Sa talata na ating binasa ay may binabanggit na Munting Kawan.
Ano ba ang ibig sabihin ng KAWAN sa ating binasa?

Basahin natin ang sagot sa Gawa 20:28 sa salin ni George M. Lamsa sa wikang pilipino na.

"Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo ng mga katiwala,upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo." (Gawa20:28, lamsa trans.)

 


Ang kawan na tinutukoy sa talatang binasa natin ay ang Iglesia Ni Cristo ngunit nagsisimula pa lamang ang gawaing ito noong unang siglo at kakaunti pa lamang ang kanilang bilang kaya ang banggit sa biblia ay "munting kawan".

Noong panahon kasing iyon ay mga Judio o kabilang sa bayan ng israel lamang ang tinuturing ng Panginoon na maging alagad niya sapagkat ayon mismo sa Panginoong Jesus sa Mateo 15:24 ay ganito ang kanyang sinasabi.

“ Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.


Kaya ang gawain ng Iglesia ay nagsimula sa mga Judio o lahi ng Israel sapagkat ang turing ni Cristo sa kanila ay mga tupang nangaligaw.

Ano naman ang pagtuturing noon ni Cristo sa mga hindi kabilang sa lahing judio o hindi mga israelita?

Sa mateo 15:26 ay ganito ang mababasa

“At siya’y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang  tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso.

Ito ay tagpo noong nasa lupa pa ang Panginoong Jesus kung saan may isang babaeng hindi kabilang sa lahi ng Israel ang humingi ng tulong sa kanya, kung saan tinawag ni Jesus na aso ang mga hindi israelita.


Nang paakyat na sa langit ang Panginoong Jesus ay mayroon siyang iniutos sa mga kaanib noon.

Mababasa natin ito sa Marcos 16:15-16

15At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.”

Iniutos ng Panginoon sa mga unang lingkod niya na ipangaral ang ebanghelyo upang ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maligtas.

Saan napabilang ang mga nabautismuhan?

Sa 1 Cor. 12:13 ay ganito ang mababasa:

“Sapagka’t sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayo sa isang katawan…”

Ang katawan na tinutukoy ay ang Iglesia gaya ng mababasa sa Col. 1:18

“At siya ang ulo ng katawan, samakatuwid baga’y ng iglesia…”


Tumugon ba ang mga alagad sa utos na ito at ano ang ibinunga ng gawaing ito?

Basahin natin sa Gawa 2:41

“Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila nang araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa.”


Tumugon ang mga alagad at ang naging bunga nito ay nadagdagan sila ng tatlong libo sa kanilang bilang.

Ang iglesia ay unti unting lumaki at nagpatuloy pa sa paglaganap dahil nadagdagan pa sila ng halos limang libo kagaya ng ating mababasa sa Gawa 4:4

“Datapuwa’t marami sa nangakarinig ng salita ay nagsisampalataya; at ang bilang ng mga lalake ay umabot sa mga limang libo.”


Lumaganap din ang salita ng Diyos sa Jerusalem at lalong dumami ang mga alagad pati na ang lubhang maraming saserdote. Katunayan ay mababasa natin sa Gawa 6:7 ang ganito:

At lumago ang salita ng Dios; at dumaming lubha sa Jerusalem ang bilang ng mga alagad; at nagsitalima sa pananampalataya ang lubhang maraming saserdote.


Kitang kita na talagang dumami ang bilang ng mga kaanib sa Iglesia dahil kung babasahin natin ang Gawa 2:47 ay mababasa natin na idinaragdag ng Dios sa Iglesia araw araw ang mga dapat maligtas. Basahin natin ang nasabing talata:

“Na nagpupuri sa Dios at nagsisipagtamo ng paglingap ng mga tao. At idinaragdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw yaong mga dapat maligtas.” (Acts 2:47 KJV salin sa Pilipino)

Ngunit sa panahong yaon ay nagkaraoon din ng matinding paguusig sa Iglesia kagaya ng mababasa sa Gawa 8:1

"At si Saulo ay sumangayon sa kaniyang pagkamatay. At nang araw na yao'y nangyari ang isang malaking paguusig laban sa iglesia na nasa Jerusalem; at silang lahat ay nagsipangalat sa lahat ng mga dako ng Judea at Samaria, maliban na sa mga apostol."

Sa kabila ng paguusig na naranasan nila ay patuloy pa rin sila sa pangangaral kagaya ng mababasa sa Gawa 8:4-5

"Ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, na ipinangaral ang salita.
 "At bumaba si Felipe sa bayan ng Samaria, at ipinangaral sa kanila ang Cristo."

Ngunit, nanatili bang mga Judio lamang ang mga kaanib noon sa Iglesia? Ano ang sumunod na nangyari?

Hindi naglaon ay sinimulan na din ipalaganap ang evangelio sa mga Gentil o mga hindi kabilang sa lahi ng Israel. Ito ay nang suguin ng Panginoong Jesus si Apostol Pablo na dating si Saulo na naging tagausig noon sa Iglesia. Ganito ang ating mababasang patotoo mismo ni Apostol Pablo sa Gawa 26:15-17

“15 At sinabi ko, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi ng Panginoon, Ako’y si Jesus na iyong pinaguusig. Datapuwa’t magbangon ka at ikaw ay tumindig sa iyong mga paa: sapagka’t dahil dito’y napakita ako sa iyo, upang ihalal kitang ministro at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin, at ng mga bagay na pagpapakitaan ko sa iyo; Na ililigtas kita sa bayan, at sa mga Gentil, na sa kanila’y sinusugo kita,”


Ngunit bago pa man suguin ni Jesus si Apostol Pablo sa gawaing ito ay may hula na si Propeta Isaias tungkol sa kanya. Ito ay nakasulat sa Isaias 49:6 

“Oo, kaniyang sinabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang wakas ng lupa.”

Ang hulang iyon ay tumutukoy sa pagsusugo kay Apostol Pablo na siyang naging simula ng pangangaral sa mga Gentil kagaya ng pintatunayan niya na nakatala sa Gawa 13:46-47

“At nagsipagsalita ng buong katapangan si Pablo at si Bernabe, at nagsipagsabi, Kinakailangang salitain muna ang salita ng Dios sa inyo. Yamang inyong itinatakwil, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapatdapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil. Sapagka’t ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.”

Kung napansin ninyo ay binanggit ni Apostol Pablo ang hula sa kanya ni Propeta Isaias na siya ang magiging ilaw ng mga Gentil.


Sa pamamagitan ni Apostol Pablo ay lumaganap din sa mga Gentil ang salita ng Diyos. Gawa 13:48:49

“At nang marinig ito ng mga Gentil, ay nangagalak sila, at niluwalhati ang salita ng Dios: at nagsisampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan. At Lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain.”

Kaya maging ang mga Gentil ay naging mga kaanib na din sa Iglesia ni Cristo. Ang katunayan nito ay ang sulat ni Apostol Pablo sa Roma 16:4,16

“Na ipinain ang kanilang mga leeg dahil sa aking buhay; na sa kanila’y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi naman ang lahat ng mga iglesia ng mga Gentil:

“Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo”


Dahil doon ay nagkaroon ng dalawang lahi ang Iglesia ni Cristo noong unang siglo, ang lahing Judio at ang mga lahing Gentil. Kagaya ng mababasa sa Roma 9:24 

“Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?”


Pinatutunayan din ba ito maging ng ibang relihiyon?

Ganito ang PATOTOO ng isang PARI ng IGLESIA KATOLIKA sa isang aklat nila:


“Did Jesus Christ establish a Church? Yes, from all history, both secular and profane, as well as from the Bible considered as a human document, WE LEARN THAT JESUS CHRIST ESTABLISHED A CHURCH, WHICH FROM THE EARLIEST TIMES HAS BEEN CALLED AFTER HIM THE CHRISTIAN CHURCH OR THE CHURCH OF CHRIST… this church, founded and organized by Jesus Christ and preached by the apostles, is THE CHURCH OF CHRIST, it is the only true church and the one which God orders all men to join.” [Religion: Doctrine and Practice, by Rev. Francis Cassily, pages. 442-443 and page 444]

Salin sa Filipino:

“Si Jesu Cristo ba ay nagtatag ng Iglesia? Oo, mula sa lahat ng kasaysayan, kapuwa pangsanglibutan at hindi pangkabanalan, lalo na mula sa Biblia na itinuturing na isang dokumentong makatao, ATING NATUTUNAN NA SI JESU CRISTO AY NAGTATAG NG IGLESIA, NA MULA SA MGA UNANG PANAHON AY TINAWAG NG SUNOD SA KANIYA ANG IGLESIA CRISTIANA O ANG IGLESIA NI CRISTO…ang Iglesiang ito, itinatag at binalangkas ni Jesu Cristo at ipinangaral ng mga apostol, ay ang Iglesia ni Cristo, ito lamang ang tunay na iglesia na pinagutos ng Diyos na aniban ng lahat ng tao.”

Tinatanggap namin ang sinabing iyan ng PARI dahil maliwanag niyang sinabi na:

“Oo, mula sa lahat ng kasaysayan, kapuwa pangsanglibutan at hindi pangkabanalan, LALO NA MULA SA BIBLIA na itinuturing na isang dokumentong makatao”

Mula sa lahat ng kasaysayan, lalo na mula sa BIBLIA, kaya malinaw na HINDI OPINYON o PALAGAY lamang iyan ng PARI. Ang sinabi niyang ANG IGLESIA NA ITINATAG NI CRISTO AY TINAWAG NG SUNOD SA KANIYA AY ANG IGLESIA NI CRISTO, ay suportado ng BIBLIA at ng KASAYSAYAN.

Sa unang bahagi ng ating pagtalakay ay nalaman natin na mayroong Iglesia na itinayo si Cristo na lumaganap sa mga Judio at mga gentil noong unang siglo.

Ngunit ang tanong ay kung ang Iglesia ni Cristo noong unang siglo ay lumaganap, bakit hindi natin ito nakagisnan at ang nagisnan natin ay ang relihiyong katoliko? Ano ba ang nangyari sa Iglesiang itinayo ng Panginoong Jesus noong unang siglo at ano ang kinasapitan nila?

Yan ang ating tatalakayin sa susunod.

 Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento