Huwebes, Oktubre 3, 2013

Bakit Iglesia ni Cristo Kami Part3


Bakit Iglesia ni Cristo Kami Part3

Sa huling pagtalakay natin ay nalaman natin na ang mga unang Iglesia ni Cristo ay pinasok na ng mga ganid na lobo o mga bulaang propeta.

Pinasukan na din sila ng mga aral ng mga demonio at pinangunahan na ng mga nakikipantay sa Dios.

Sa pagpapatuloy ng ating pagtalakay ay alamin pa natin kung ano pa ang babala na ibinigay ng Panginoong Jesus sa mga alagad niya.


Sa Mateo 24:9 ay ganito ang mababasa

"Kung magkagayo'y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo'y papatayin: at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan."

Hindi malulubos ang pagtalikod kung nanatiling buhay ang mga nanindigan sa mga dalisay na aral ni Cristo. Kaya, si Cristo ay nagbigay na ng babala nung una pa lang. Gaya din ng ibinabala ni Pablo, ang Iglesia ay sinalakay ng mga “asong-gubat” na sumila at hindi nagpatawad sa kawan. Ipinakikilala din ng Biblia na ang mga asong gubat o mga lobong maninila ay hindi lamang ang mga bulaang propeta o mga tagapagturong Katoliko kundi maging ang masasamang pinuno na umusig sa Iglesia gaya ng nakasulat sa Ezekiel 22:27. Ang mga ito ay naging kasangkapan din sa pagpatay sa mga alagad ni Cristo na nanindigan sa tunay na pananampalataya at nanghawak sa mga dalisay na aral ng Diyos. Ang katuparan nito ay hindi nawaglit sa mga tala ng kasaysayan gaya ng isinasaad sa Halley’s Bible Handbook, sinulat ni Henry H. Halley sa mga pahina 761-762, sa pagkakasalin sa Pilipino:

Domitan (96 A.D.). Itinatag ni Domitian ang pag-uusig sa mga Cristiano. Maikli ngunit lubhang malupit.

Trajan (98-117 A.D.). Ang Cristianismo ay ipinalagay na isang ilegal na relihiyon, … Ang mga Cristiano ay hindi ipinaghahanap, ngunit kapag napagbintangan ay pinarurusahan.

Marcus Aurelius ( 161-180). Pinasigla niya ang pag-uusig sa mga Cristiano. Ito ay malupit at mabangis ang pinakamabagsik simula kay Nero. Libu-libo ang pinugutan ng ulo o kaya’y itinapon sa mababangis na hayop…

Septimus Severus (193-211). Ang pag-uusig na ito ay totoong napakalupit,…

Decius (249-251). Buong tatag na pinasiyahang lipulin ang Cristianismo.

Valerian (253-260). Mas mabangis kay Decius; tinangka niya ang lubos na pagwasak sa Cristianismo. Maraming lider ang pinatay…

Diocletian (284-305). Ang huling pag-uusig ng Imperyo, at siyang pinakamalupit; …ang mga Cristiano ay pinaghahanap sa mga kuweba at gubat; sila ay sinunog, itinapon sa mga mababangis na hayop, pinagpapatay sa pamamagitan ng mga pagpapahirap bunga ng kalupitan.”

Mapapansin natin na halos kaalinsabay ng pagpasok ng mga maling doktrina sa Iglesia ay dinanas ng mga alagad ang bagsik ng pag-uusig na ginawa ng mga emperador Romano – pag-uusig na hindi lamang naging sanhi upang matakot ang mahina sa pananampalataya at tanggapin ang maling aral, kundi pumatay sa nanindigan sa dalisay na ebanghelyo. Sa madilim na bahaging ito ng kasaysayan ng Iglesia ay hindi lamang ang lumupig sa Iglesia ay ang masasamang pinuno ng pamahalaan kundi ang mismong kapapahan.

Sa page 770 sa nasabing aklat ay ganito ang mababasa:

Leo I (A.D 440-461)…, tinawag ng ilang mananalaysay na Unang Papa…Ipinahayag ang kanyang sarili na Panginoon ng Buong Iglesia; itinaguyod ang Natatanging Pangkalahatang Kapapahan; sinabi na ang pagtutol sa kaniyang kapangyarihan ay Tiyak na Pagtungo sa Impiyerno; itinaguyod ang Parusang Kamatayan ukol sa erehiya.” (Ibid., p. 770)

Ang ating binasa ay isa pa sa patunay na noong 440 A.D lang nagkaroon ng papa ang Iglesia Katolika kaya hindi totoong naging unang papa si Apostol Pedro.

Si Leo I na siyang unang papa ng Iglesia Katolika ang siya ring unang papa na nagtaguyod ng parusang kamatayan sa mga erehe o pagpatay mga taong hindi sumusunod sa aral ng mga katoliko.


Sa isa pang aklat na may pamagat na Kasaysayan ng Iglesia…Pp75-77,79 ay ganito pa ang mababasang kasaysayan ng mga naging Papa ng simbahang katoliko ayon sa pagkakasunod sunod na petsa at mga pangyayari.

Ang pinakamadilim na panahon ng kapapahan

Adriano II, 867-872 A.D.;
Juan VIII, 872-882 A.D.;
Marino, 882-884 A.D.
 Sa pamamahala ng mga Papang ito’y nagsimula ang pinakamadilim na panahon ng kapapahan, 870-1059 A.D. Ang 200 taon sa pagitan nina Nicolas I at Gregorio VII, ang tinawag ng mga mananalaysay na “*Hatinggabi ng mga Panahon ng Kadiliman” (Midnight of the Dark Ages)*. Suhulan, kasamaan, imoralidad, at pagdanak ng dugo, ang halos yumari sa pinakamadilim na kabanata ng buong kasaysayan ng Iglesia.


“*Ang Pagpupuno ng mga Masasamang Babae*”

Si Sergio III, 904-911 A.D.,ay may “asawa”, si Marozia. Siya ang kaniyang inang si Tedora (asawa o balo ng isang Senador Romano) at ang kaniyang kapatid, ay pinuno ang tungkuling Papa ng mga kasintahan at ng mga anak sa labas, at ginawang tahanan ng mga manloloob ang palasyo ng Papa. Ito ay kilala sa kasaysayan na Pornacracia, o Pamumuno ng mga Patutot (904-963).

Anastacio III, 911-913. Lando, 913-914. Juan X, 914-928,
“dinala sa Roma mula sa Revena, at ginawang Papa ni Teodora upang bigyang-kasiyahan ang hilig niya sa pita ng laman.” Siya’y pinatay ni marozia, at sunud-sunod na paghalili ay inilagay sa kapapahan ang kaniyang mga tauhan na sina: Leon VI, 928-929; at Esteban VIII, 929-942, Martin III, 942-946; at Agapito II, 947-955.

Juan XII, 955-963
apo ni Marozia, isang “*kriminal ng lahat ng uri ng krimen; sumira ng mga dalaga at mga balo, mataas at mababa; nakisama sa asawa ng kaniyang ama; ang palasyo ng Papa’y ginawang tahanan ng masasama; pinatay ng asawa ng babaing pinakikiapiran samantalang ginagawa ang pakikiapid*.”

(h) Ang Kalaliman ng Kasamaan ng Kapapahan
Leon VIII, 963-965;
Juan XIV, 983-984;
Bonifacio VII, 984-985
Pinatay si Papa Juan XIV, at “*itinatag ang kaniyang sarili sa tungkuling Papa na may dungis ng dugo, sa pamamagitan ng pamamalagi ng mga salaping nakaw*.” Tinawag ng Obispo ng Orleans sina Juan XII, Leon VIII, at Bonifacio VII, na “*mga halimaw ng krimen, tigmak sa masangsang na dugo at karumihan; Anti-Cristong nakaluklok sa Templo ng Diyos.*”


Benedicto VIII, 1012-1024,
binili ang tungkuling Papa sa hayagang pagsuhol. Ito ang tinatawag na “*Simony*,” ang pagbibili ng tungkulin sa Iglesia.

Juan XIX, 1024-1033
binili ang kapapahan. Siya’y isang karaniwang tao, at nagdaan sa lahat ng mga gawain na kawani sa loob ng isang araw.

Benedicto IX, 1033-1045
ginawang Papa sa gulang na 12 taon, sa pamamagitan ng salapi ng mayayamang angkang Romano sa Roma. “*Nahigitan si Juan XII sa katampalasanan; gumawa ng mga pagpatay at pangangalunya nang hayagan; ninakawan ang mga taong dumadalaw sa mga libingan ng mga martir; ang pinakamasamang kriminal, itinaboy siya ng bayan sa labas ng Roma.*”

Gregorio VI, 1045-1046
binili ang Kapapahan. Ang tatlong magkakalabang Papa, Benedicto IX, Gregorio VI, Silvestre 111. “*Napuno ang Roma ng mga bayarang mamamatay-tao; ang kalinisan ng mga peregrino (pilgrims) ay nilapastangan; maging ang mga simbahan ay natigmak ng dugo*.”

Clemente 11, 1046-1047
ay ginawang Papa ni Emperador Enrique III ng Alemanya “*sapagka’t walang sinumang obispo ng Roma na hindi narumihan ng pagbili ng tungkuling Papa at ng pangangalunya*.” Ang mapaghimagsik na kalagayan ay sumisigaw ng pagbabago.

Damaso II,1048
Humiyaw ng mga pagtutol laban sa karumihan at katampalasanan ng Kapapahan, at ang sigaw ng pagbabago ay nakasumpong ng katugunan at lider kay hildebrando. …

Ang isa pang Papa na ang panunungkulan ay nakarating sa rurok ng kapangyarihan sa maikling panahon ay si Inocencio III (1198-1216). Inangking kahalili siya ni Cristo (Vicar of Christ), “*kataas-taasang puno ng Iglesia at ng daigdig*;” may kapangyarihang mag-alis ng mga hari at prinsepe; na “*ang lahat ng mga bagay sa lupa at sa langit at sa impiyerno ay nasa kapamahalaan ng kahalili ni Cristo*.” Sinabi niya sa kaniyang talumpati sa pagpapasinaya, “*Ang kahalili ni San Pedro ay nakatayo sa pagitan ng Diyos at ng tao; nasa ilalim ng Diyos, nasa ibabaw ng tao; hukom ng lahat, hindi mahuhukuman ninuman*.” Sa isa sa kaniyang opisyal na mga sulat ay isinulat niya sa Papa “*ay nakaukol hindi lamang ang buong Iglesia kundi ang buong daigdig*”, kasama “*ang karapatang pangwakas na iligpit ang korona ng Imperyo at ng mga iba pa*.” ... Ipinasya niya ang aral na ang tinapay at alak sa eukaristiya ay nag-iiba ng sustansiya - nagiging tunay na katawan at dugo ni Cristo (*transubstantiation*). Pinagtibay niya ang pangungumpisal. Ipinahayag na ang kahalili ni San Pedro (Papa “ay hindi kailanman humiwalay sa pananampalatayang Katoliko ‘Papal Infalibility’”). Pinawalang saysay ang Magna Carta. Ipinagbawal ang pagbasa ng Bibliang nasusulat sa iba’t ibang salin (versions). Iniutos ang lansakang pagpatay sa mga Albigenses. Lalong maraming dugo ang dumanak sa kaniyang pangangasiwa at sa pamamahala ng mga sumunod sa kaniya, sa alinmang panahon, ng kasaysayan ng Iglesia, maliban sa malupit na hangad ng kapapahang lipulin ang repormasyon noong ika-16 at ika-17 siglo. Iisipin ng sinuman na si Nero ay muling nabuhay.” 



Kaya, sa paunang pahayag ni Cristo at ng mga Apostol, ang Iglesia ni Cristo na nagsimula noong unang siglo sa Jerusalem ay pinatay at winasak.
Kaya ang dating isang organisasyon na nagtataguyod ng mga dalisay na aral ng Diyos, pagkamatay ng mga Apostol, unti-unting pinalitan ng mga Papang ganid sa kapangyarihan, mamamatay tao, manunuhol at napuno ng immoralidad. Ito ay hindi na maitatanggi dahil ito ay alinsunod sa mga pangyayari sa kasaysayan na isinulat ng kanilang mga historyador. Natupad ang hula ng Panginoon tungkol sa mga ganid na lobong nakadamit tupa. Ang mga unang lingkod ng Dios ay bumaling sa mga maling aral at tinalikuran ang pananampalatayang itinuro ni Cristo at ng mga Apostol dahil sa takot na ipapatay sila ng mga Papa.

Marahil ay itatanggi ng mga katoliko ito at sasabihin nila ang ang walang kamatayan palusot na ito diumano ay paninira lamang. Kaya ating basahin pa natin sa aklat kasasayasayan kung Paano inamin ng mga katoliko ang pagpatay sa mga hindi sumunod sa kanilang mga aral?


Basahin natin sa isang aklat na may pamagat na 'The Modern World', p.344 sa wikang Pilipino na:

..ang Iglesia (katolika) ay nagtatag ng isang tanging hukuman, ang Ingkisisyon Papa o Pangsanlibutang Ingkisisyon. Ang mahahalagang bahagi ng pamamaraan nito ay itinakda ng isang kalipunan ng mga batas na kapuwa pinagpatibay ni Papa Lucio III at Emperador Barbossa noong1184. Ang mga maliliit na detalye ay idinagdag noong 1230. Ang
gayong mga hukuman ng katarungang pang-espiritu ay itinatag sa mga dakong lubos na hinawahan ng mga maling aral... Itinuturing din ng bansa ang erehiya bilang isang kasalanan, sapagkat pinapaghihina nito ang mga saligan ng pangmadlang kagalingan. Ang parusa na itinakda ng mga batas panlupa ukol sa erehiya ay kamatayan sa apoy. Ang
mga ito ay hindi kailanman ipinataw ng pansimbahang hukom.

Inamin ba ng mga paring Katoliko ang sinasabi ng kasaysayan na ang Iglesia Katolika ay nagpapatay?

Ganito ang mababasa sa aklat katoliko:
'Ang unang batas ng kasaysayan, pahayag ni Papa Leo XII, tulad ng aming binanggit nang nakaraan, ay upang magpahayag nang walang kasinungalingan at upang huwag magkaroon ng takot sa pagsasabi ng katotohanan. Bilang pagsang-ayon sa matalinong simulaing iyan, tahasan naming kinikilala ang pananagutan ng mga papa sa paggamit ng pagpapahirap at sa pagsunog sa libulibong mga erehe sa tulos. Ang pag papahintulot nila sa ganyang malupit at makahayop na mga pamamaraan ay hindi maitatatuwang isa sa pinakamaitim na mga batik sa talaan ng Banal na Tanggapan at mananatili hanggang wakas na isang dahilan ng pagkutya at kahihiyan sa kapapahan. Kahit tapatang aminin, na siya namang nararapat, na ang kanilang mga layunin ay mabuti at ang kanilang pagsusumakit ay para sa kapakanan ng Kaluluwa ng biktima, hayaang manatiling pinaninindiganan na ang malupit at di makataong pamamaraan na ginamit ay hindi mapasusubalian.(p.49)

Kitang kita sa mga tala ng kasaysayan na ang mga katoliko ay nagpapatay ng mga tinatawag na mga erehe o yung mga taong ayaw sumunod sa kanilang doktrina. Basahin pa natin ang kanilang pag amin.

'ANG PANANAGUTAN NG IGLESIA' 
Ang Iglesia(Katolika)ay hindi makaiiwas sa pananagutan ukol sa paggamit ng pagpapahirap ni sa pagsunog ng mga biktima sa tulos. Ang Iglesia sa katauhan ng kaniyang mga pontipise ang nananagot sa paggamit ng pagpapahirap;
ang malupit na gawaing ito ay pinasimulan ni Inocencio IV noong 1252... Pinagsisikapan ng pontipise na ipagtanggol ang paggamit ng pagpapahirap sa pamamagitan ng pagtuturing sa mga erehe bilang mga magnanakaw at mamama-tay-tao, paghahalintulad lamang ang kanyang tanging batayan.Ang batas na ito ni Inocencio IV ay muling pinairal at pinatibay ni Alejandro IV noong ika-30 ng Nobyembre,1259, at Clemente IV noong ika-3 ng Nobyembre,1265.

 Ni hindi makaiiwas ang Iglesia(katolika)sa pananagutan ukol sa pagpapasunog ng mga erehe sa tulos hanggang sa mamatay. Ang pagkukunwari lamang na ibigay ang biktima sa kapangyarihang sekular ay hindi makapaglilingid sa
katotohanang ang mga papa ay paulit-ulit na nagpilit sa ilalim ng pagbabantang pagtitiwalag at pagbabawal sa mga pinuno, na igawad ang kaparusahang kamatayan sa mga erehe. (Ibid.,p.47)

Kaya ang organisasyong dati’y dinadaluyan ng mga dalisay na aral ng Diyos, sumusunod kay Cristo, at tinatawag na Iglesia ni Cristo ay bumaling sa mga aral ng demonio, sumunod sa mga bulaang propeta, at naging Iglesia Katolika. Natupad sa kanila ang hula ng biblia na nakasulat sa Apoc. 18:2 na ganito ang sinasabi:

“At siya’y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang babilonia, at naging tahanan ng mga demonio, kulungan ng bawa’t espititung karumaldumal, at kulungan ng bawa’t karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon.”

Kaya hindi na nakakapagtaka kung bakit katoliko ang nakagisnan ng ating mga ninuno. Dahil ang mga tunay na Iglesia ni Cristo noon ay pinatay, samantalang ang mga nais mabuhay o sa takot na mapatay sila ay sumunod sa maling aral ng katoliko.

Akala tuloy ng marami ay katoliko ang tunay na kay Cristo dahil sa kawalan nila ng kabatiran sa tunay na pangyayari sa kasaysayan.

Ngunit dahil alam ng Panginoong Jesus na mangyayari ito sa Iglesia na kanyang itinayo noong unang siglo na ito ay itatalikod ng mga bulaang Propeta, ay humula ang Panginoong Jesus.

Ang hulang ito ay mababasa sa Juan 10:16 na ganito ang sinasabi:
       
At mayoon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila’y magiging isang kawan at magkakaroon ng isang pastor.”
       
Ayon sa ating binasa ay may iba pang tupa ang Panginoong Jesus na wala sa kulungang iyon dahil alam niya na ang kulungang iyon ay matatalikod. Ang binabanggit niyang ibang mga tupa niya ay magiging isang kawan. Ang kawan ay ang Iglesia ni Cristo ayon sa Gawa 20:28 ng Lamsa translation.

Kaya maitatanong natin kung sino sila, kalian sila magiging kawan o magiging Iglesia ni Cristo at saan sila magmumula?

Iyan ang ating tatalakayin sa susunod.

Itutuloy…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento