Source: http://torch-of-salvation.blogspot.com
Pangkaraniwan na nating napupuna ang
paggamit ng mga larawan o mga imahen ng mga
relihiyong hindi Cristiano sa kanilang mga pagsamba, gaya halimbawa ng Hinduismo atBudismo. At
ang isang Cristiano na nakababasa ng Biblia ay batid na ang gawaing pagsamba sa
mga rebulto at mga larawan ay isang napakasamang gawain sa harapan ng Diyos
dahil maliwanag itong mababasa sa Biblia:
Exodo 20:3-5 “Huwag
kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko. Huwag kang gagawa para
sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa
langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: Huwag
mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon
mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng
mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga
napopoot sa akin;”
Subalit ang nakapagtataka, kapag ang
nasabing talata ay ating binasa sa isang Katoliko at aming sinabi sa kanila na
sila man ay nagsasagawa ng ganitong gawain, ang agad nilang sinasabi ay ganito:
“Hindi naman
namin sinasamba ang mga imahen o rebulto na nasa aming mga simbahan, ang mga
iyon ay amin lamang iginagalang. Ang turo sa amin ng mga Pari ay ang Diyos ang
aming dapat na sambahin. May mga larawan kami sa aming mga simbahan ng
mga Santo at Apostoles hindi upang sambahin kundi sila ay amin lamang
ginugunita sa pamamagitan ng mga larawang iyon.”
At dahil ganito ang kanilang nasa isipan, kung kaya
madalas ay nagdaramdam sila at nagagalit sila sa mga ministro at
maging sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo kapag sila ay
napupuna. May nagsasabing bakit daw hindi na lang ang ituro ng mga
ministro namin ay ang aming sariling aral, matuto raw kaming gumalang sa
pinaniniwalaan ng iba.
Subalit ang sinusunod namin ay ang sinasabi ng
Biblia. Dapat bang isawalang-kibo ng isang tao kung may nakikita siyang
maling ginagawa ng kaniyang kapuwa na ikapapahamak niya? Wala ba siyang gagawin kung alam niya naman
ang tama at hindi niya ipagmamalasakit ang kaniyang kapuwa? Ganito ang sabi ng
Biblia:
Judas 1:23 “At ang iba'y inyong iligtas, na
agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na
inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman.”
Ang isang tao na nasa katotohanan ay
may pananagutan na dapat gawin, kailangan niyang iligtas ang kaniyang kapuwa at
agawin sa apoy, ang apoy na tinutukoy ay ang kaparusahang walang hanggan na ito
ay ang dagatdagatang apoy na siyang ikalawang kamatayan:
Apocalypsis 20:14 “At ang kamatayan at ang Hades ay
ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa
makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.”
Dahil ang gawang pagluhod at pagsamba
sa isang larawan ay isang gawaing magdadala sa tao sa kapahamakang walang
hanggan:
Apocalypsis 21:8 “Nguni't sa mga duwag, at sa mga
hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa
mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa
diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay
sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.”
Ang tinatawag na “diosdiosan”
ay yung mga larawan na sinasamba na tulad sa Diyos, kaya tinawag na
“diosdiosan” ay sapagkat hindi ito tunay na Diyos. Tulad ng salitang “kotse-kotsehan”
hindi tunay na kotse, “bahay-bahayan” hindi tunay na bahay.
Maliwanag na sinabi sa atin ng Biblia na ang mga gumagawa ng pagsamba,
pagluhod, at paglilingkod sa mga larawan, imahen, o mga rebulto ay isang
gawaing kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos at ito ay kanilang ikapapahamak sa
dagatdagatang apoy na kilala sa tawag naimpierno.
Subalit, sinasabi nga ng mga Katoliko
na hindi sila sumasamba sa larawan, ang kanilang ginagagawa bagamat nakaharap
sa isang rebulto o imahen ay patungkol daw sa Diyos. Kaya hindi daw
maaari na mapahamak sila, dahil ang paparusahan daw sa Biblia ay iyong mga
sumasamba sa mga larawan, at hindi naman daw ganun ang kanilang ginagawa kaya
huwag daw silang paratangan ng hindi nila gawain.
Totoo nga kaya ang kanilang
pangangatwirang ito? Hindi nga kaya talaga sila sumasamba
sa mga larawan o imahen, at mga rebulto? Atin tunghayan ang pag-amin ng kanilang mga
Pari.
Ang Pag-amin ng Simbahang Katoliko
Ang mga awtoridad Katoliko, mga Pari,
ay karaniwan ng gumagawa at naglalathala ng mga Aklat na siyang ginagamit nila
sa kanilang pagtuturo. Marahil ay ikagugulat ng isang Katoliko na
nagsasabi na siya’y hindi sumasamba sa larawan kung kaniyang makikita at
mababasa na ang kanilang mga aklat mismo na sinulat ng kanilang mga Pari ay
umaaamin na sila nga ay sumasamba sa larawan.
Narito ang katibayan, sa isang aklat
Katoliko na may pamagat na “Siya ang Inyong
Pakinggan: Ang Aral na Katoliko, na sinulat ng isang pari na
si Enrique Demond, ay ganito ang ating mababasa:
“Kung
ating sinasamba ang larawan ni Kristong napapako sa Krus,
dinadasal natin: ‘Sinasamba kita at pinupuri, Panginoon kong
JesuCristo,…” [Siya ang Inyong Pakinggan: Ang Aral na Katoliko, sinulat ni Padre
Enrique Demond, inilathala ng Catholic Trade School, may imprimatur ni Jose
Bustamante, pahina 12 ]
Kitang-kita sa aklat na ito ang pag-amin ng Pari na ang
mga Katoliko’y sumasamba sa larawan, sa pagsasabing sinasamba
nila ang larawan ni Cristo. Pero kahit na sabihin pa nila na ang
sinasamba nila ay ang larawan ni Cristo, ay wala naman po tayong mababasa
kailan man sa mga pahina ng Biblia na ipinag-utos na sambahin ang larawan ni
Cristo, kaya maliwanag kung gayon na talagang sumasamba sila sa larawan.
Hindi lamang iyon, narito pa ang isa, Isang munting aklat
Katoliko na may pamagat na“Catesismo” na tinagalog ng
Pari na si Luis de Amezquita , ganito naman ang ating mababasa:
“ Pagbangon mo sa banig ay agad kang manikluhod sa harap ng
isang Krus o isang mahal na larawan. Kung maninikluhod ka sa tapat ng Altar
magwika ka ng ganito: Sinasamba kita,” [Catesismo, ni Padre Luis
de Amezquita, pahina 79 at 82].
Dito naman sa aklat na ito ay maliwanag na inuutusan ang
isang Katoliko na agad na manikluhod o lumuhod pagkagising sa harap ng isang
Krus o isang mahal na larawan, at pagkatapos ay sasabihin sa harapan nito ang
mga katagang: “Sinasamba Kita”. Hindi ba iyan maliwanag na pag-uutos sa
isang Katoliko na lumuhod at sumamba sa isang Larawan?
Kaya nga sabihin man nila na hindi sila sumasamba kung ang
nakikita naman natin ay ang kanilang ginagawa: sila ay lulumuluhod at
nananalangin sa harapan ng mga larawan ng mga tinatawag nilang mga Santo, hindi
ba iyon ang nagpapatunay na sila ay sumasamba dito? Dahil sa Biblia ang
katumbas ng gawang pagyukod o pagluhod ay
pagsamba, basahin natin:
Awit 95:6 “Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod;
tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.”
At maliwanag namang sinabi ng Diyos na ang pagyukod o
pagluhod sa mga ito ang kaniyang ipinagbabawal hindi po ba? Balikan po natin ang sinasabi ng Diyos sa
aklat ng Exodo:
Exodo 20:3-5 “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios
sa harap ko. Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng
kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o
ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: Huwag mong yuyukuran sila, o
paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na
mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga
anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;”
Kaya ang mismong pagluhod na ginagawa
ng mga tao sa mga larawang ito, ay ang mismong ipinagbabawal ng Panginoong
Diyos. Aminin man nila o hindi, ang ginagawa nilang ito ay maliwanag na
pagsamba at pagluhod sa mga larawan na kasuklam-suklam sa Panginoong Diyos.
Binanggit din ng Diyos na hindi natin dapat paglingkuran ang mga larawang
ito. Hindi ba’t nakikita nating kanilang pinapasan, binibihisan,
sinasabitan ng mga bulaklak, ipinagpuprusisyon, pinapahiran ng panyo,
ipinagpipiyesta at kung anu-ano pa na ito’y maliwanag na pagsisilbi o
paglilingkod sa larawan na hindi rin po dapat na gawin.
Kumuha pa tayo ng dagdag na katibiyan
ng kanilang pag-amin sa gawaing ito, sa isa pang aklat Katoliko:
“13. Ang pagsamba ba sa mga santo ay ukol
lamang sa kanilang katauhan?
Hindi, sumasaklaw din ito sa kanilang mga relikya at mga
larawan.”
“14. Ano ang tinatawag nating mga relikya?
Tinatawag nating mga Relikya:
1. Ang mga labi ng katawan ng isang santo na pinapaging-binal o
inihanda sa pagiging banal ng Iglesia [Katolika];”
2. Ang mga bagay na naging pag-aari ng mga santo, o yaong
napadaiti sa kanilang mga katawan: tulad ng kanilang kasuotan, mga ataol, at
iba pa
“15. Dapat ba nating sambahin ang mga banal na larawan?
Dapat tayong magkaroon lalo na sa ating mga simbahan, ang
mga larawan ng ating Panginoong, tulad ng sa pinagpalang Birhen at mga santo,
at dapat natin silang bigyan ng kaukulang paggalang at pagsamba”. [Salin sa Filipino mula sa
Cathecism of Christian Doctrine, inilathala ng De La Salle College, pahina 95]
Maliwanag na ipinakita sa atin ng aklat Katolikong ito na
ang sinasamba nila sa isang kinikilala nilang santo ay ang kaniyang katauhan, larawan,
at relikya. Hindi po ba ang mga santo ay mga tao lamang? Sinasabi
po ng aklat na ito na ang mga larawan ng mga santo ay dapat nating sambahin.
Dapat po ba tayong lumuhod sa harapan ng mga tinatawag na santo o iyong mga
taong banal?
Si Apostol Pedro ay kinikilalang santo sa Iglesia Katolika
na tinatawag nilang San Pedro na nakikita rin natin na
kanilang niluluhuran. Pumapayag ba si Apostol Pedro na siya ay
luhuran? Basahin natin?
Mga Gawa 10:25-26 “At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni
Cornelio, at nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya'y sinamba. Datapuwa't
itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin.”
Kita ninyo nang magpatirapa o lumuhod si Cornelio sa harap
ni Apostol Pedro ay hindi siya pumayag sa ginawa niyang ito? Kung mismo
noon ay hindi pumapayag ang mga Apostol na sila yukuran at sambahin, sa palagay
po ba natin ay papayag sila na sambahin at luhuran ang kanilang mga larawan?
Hindi Maigagawa ng Larawan ang Diyos
Marami ang nag-aakala na ang Diyos ay may larawan, na ito
nga ay ang nakikita nating isang anyo ng isang magandang lalake na may mahabang
buhok at may balbas. Subalit sa katotohanan, ang Diyos po ba ay may
anyo? Atin pong basahin ang paghahayag ng Diyos mismo:
Deuteronomio 4:15 “Ingatan nga ninyong mabuti ang inyong sarili; sapagka't
wala kayong nakitang anomang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa
Horeb mula sa gitna ng apoy:”
Maliwanag ang pahayag ng Diyos na
siya ay walang anomang anyo. Bakit? Ano ba ang kalagayan ng Diyos?
Juan 4:24 “Ang Dios ay Espiritu: at ang
mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa
katotohanan.”
Maliwanag ang sagot ng Panginoong Jesus, ang Diyos ay
Espiritu, ano ba ang isang espiritu?
Lucas 24:39 “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa,
ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang
espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”
Ang isang Espiritu ay walang laman at mga buto,
samakatuwid ang Diyos ay walang laman at mga buto kaya wala siyang anomang
anyo. Eh maigagawa ba siya ng larawan?
Isaias 46:5 “Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis
ako, upang kami ay magkagaya?”
Maliwanag ang pahayag ng Diyos, wala siyang kagaya,
kawangis o kamukha, kaya imposible na maigawa ng tao ang Diyos ng larawan,
dahil hindi nakikita ang Panginoong Diyos:
1 Timote 1:17 “Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di
nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian
magpakailan kailan man. Siya nawa.”
Kaya po kung may magsasabi sa atin na ang isang larawan ay
iyon ay mukha ng Diyos, tiyak na tiyak na natin na hindi totoo ang kaniyang
sinasabi, dahil hindi kailanman maaaring maigawa ng larawan ang Diyos. At
kailanman ay hindi niya ibibigay ang kaniyang kaluwalhatian at kapurihan sa mga
larawang inanyuan lamang ng tao:
Isaias 42:8 “Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at
ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan
sa mga larawang inanyuan.”
Ang Marapat na Pagsamba
Paano ba natin magagawa ang marapat na pagsamba sa Diyos?
Atin na pong nalaman na hindi sa pamamagitan ng paggamit ng mga larawan. Atin
pong tunghayan ang pahayag ng Panginoong Jesus:
Juan 4:23 “Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na
sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan:
sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.”
Sabi ng Panginoong Jesus ang mga tunay na mananamba sa
Diyos ay sinasamba siya saEspiritu at Katotohanan, ito
ang marapat na paraan na pagsamba sa Diyos na dapat nating gawin dahil ito ang
hinahanp ng Diyos na maging mananamba sa kaniya.
Paano ang pagsamba sa Ama sa espiritu?
Mateo 6:9 “Magsidalangin nga kayo ng
ganito: Ama namin na nasa langit ka,Sambahin nawa ang pangalan
mo.”
Ang pagsamba sa Ama sa Espiritu ay ang pagsamba sa
kaniyang pangalan at hindi sa kaniyang larawan? Maliwanag po iyan.
Paano ba ang pagsamba sa pangalan ng Diyos, isusulat ba natin ang kaniyang
pangalan sa isang papel pagkatapos ay ididikit sa pader at ating luluhuran? Ganun po ba? Hindi po ganun, narito
po ang sagot:
Hebreo 13:15 “Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng
pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag
ng kaniyang pangalan.”
Kapag ating pinupuri at binibigkas o
sinasabi ang pangalang ipinantatawag natin sa kaniya, ito ang pagsamba sa
kaniya sa espiritu. Ano ang pangalang iyon?
Juan 20:17 “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa
ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo
sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at
inyong Dios.”
“Ama” ang ating dapat itawag sa nagiisa at tunay na Diyos,
na Diyos din ng Panginoong Jesus.
Paano naman ang pagsamba sa Ama sa
katotohanan?
Mateo 6:10 “Dumating nawa ang kaharian
mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din
naman sa lupa.”
Ang pagsamba sa kaniya sa katotohanan
ay ang pagsunod na dapat nating gawin sa kaniyang mga kalooban o mga kautusan,
dahil ito ang buong katungkulan ng tao.
Ecclesiastes 12:13 “Ito ang wakas ng bagay; lahat ay
narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos;
sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao.”
Ito ang marapat na pagsamba sa Diyos na dapat nating
isagawa, upang tayo ay maging kalugodlugod sa kaniyang paningin…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento